
Umatras ang anak ng action star na si Dan Alvaro sa pelikulang “Strictly Confidential Confessions of Men (MSM)” na gagawin ng Outline Films sa Lunes.
Ito ay sa kabila ng pagpirma ng kontrata ni Ram Alvaro, dalawampung taong gulang at pagkuha ng down payment mula sa kumpanya ng pelikula.
Ito ang ipinahayag ni Jowee Morel, ang direktor ng pelikula Sabado ng gabi.
“Nag-text si Ram sa akin just right now. Naaksidente raw siya at nabali ang kanyang kamay. Kailangan daw niyang magpahinga ng tatlong buwan kaya hindi siya puwedeng mag-shooting sa Monday.
“When I ask him kung anong nangyari, sabi niya, na-fracture daw siya. Sabi niya, wala naming benda ang kanyang kamay pero matindi raw ang fracture. So, parang hindi ako makapaniwala.
“Kasi, bakit wala siyang benda samantalang may fractured bone daw siya. Hindi ako agad naniwala. I know there’s something more than that,” pahayag ni Morel.
Nauna rito ay nakapagpiktoryal na si Ram para sa pelikula kasama ang iba pang aktor na gaganap sa mahahalagang papel sa mala-dokyumentaryong pelikula na patula.
Walang takot na nagpakita ng kanyang buong hubad na katawan si Ram katabi ang ibang kabituin sa pelikula.
Isang araw pagkatapos ng photo shoot ay nag-back out si Ram na ikinagulat ni Jowee.
Pati ang manager ni Alvaro na si Dennis Adobas ay parang natulala nang mabalitaan ang pasya ng alaga na nauna pang nagpaalam sa direktor kaysa kanya.
Samantala, sinabi ni Morel na tuloy ang kanyang paggawa ng pelikula na tatalakay sa “Men Having Sex With Men” na politically correct na tawag ng United Nations sa mga lalaki na nakikipagtalik na sekswal sa kapwa lalaki na madalas ay walang tamang precaution kaya humahantong sa HIV positive ang mga nakikipagtalik.
“Hindi naman porno ang gagawin ko. This is more of a documentary para makapag-ingat ang mga taong concerned at nang ‘wag silang mahawahan ng HIV virus,” paliwanag ni Morel.
Ang HIV virus ang sanhi ng sakit na AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome.
Ayon kay Morel, pinaliwanagan niya si Ram na maghuhubad siya sa pelikula at magkakaroon ng kissing scene sa kanya aktor at pumayag naman anya sa simula ang anak ni Dan.
Wala pang kapalit si Ram pero naghahanap pa ang produksyon ng prosibleng kahalili niya.
Pinag-iisapan pa ng Outline Films kung maghahain ito ng asunto laban kay Ram.
Ang “Strictly Confidential Confessions of Men” sana ang maglulunsad kay Ram sa pagkabituin.