
Jowee Morel

Iza Calzado

Miguel Faustmann
MAY bagong stage play ang mahusay na aktor na si Miguel Faustmann at ito ay “Duets” na sinulat ng British playwright na si Peter Quilter.
Nagkaroon ng world premiere ang dula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig noong 2009 at ngayon ay nasa Pilipinas sa pamamagitan ng Repertory Philippines.
Nagka-press preview ang dramang komedya kamakailan sa Onstage Theater sa Greenbelt kung saan din ito kasalukuyang itinatanghal.
Bida sa obra sina Joy Virata at Miguel Faustmann.
***
Alam naming kilala na ninyo si Joy Virata dahil apat na dekada na siya sa pag-arte lalo na sa entablado.
Si Joy ay asawa ni Cesar Virata, ang dating Secretary of Finance ng adinistrasyon ng diktador na si Ferdinand E. Marcos.
Nanood nga si Cesar sa press preview at nag-enjoy siyang maige sa pagganap ng kanyang artistang misis.
Nakatungkod na si Mang Cesar pero ang kanyang kasigasigan sa pagtataguyod sa sining ng dulaan ay hanggang doon na lamang.
Masigabo rin ang palakpak ni Mang Cesar kina Joy at Miguel na dalawa lang artista ng “Duets.”
***
Ang “Duets” ay may apat na bahagi.
Unang bahagi ang kuwento ng blind date na sina Jonathan at Wendy na walang pakialam sa kabaduyan ng kanilang bagkos ay nakatuon ang kanilang atensyon sa pangako ng pag-iibigan.
Ikalawang bahagi ang istorya nina Barrie Medina, isang bading at Janet, isang babae na magkasama sa bahay.
Gusto ni Janet na magpakalalaki na si Barrie pero ayaw ng baklang ito.
Ikatlong parte ang salaysay nina Bobby at Shelley na maghihiwalay na ang pag-asawahan sa isang isla.
Samantala, ikaapat na yugto naman ang maproblemang pagpapakasal ni Angela sa ikatlong pagkakataon samantalang nasa kanyang tabi ang kaisa-isang kapatid na lalaki.
***
May bagong instrumentong ginamit si Quilter sa kanyang dula at ito ay ang paggamit ng ilaw na malamlam sa tigkabilang gilid ng tanghalan kung saan nagbibihis tig-isa sina Joy at Miguel.
Maganda ang interprestasyon ng aktres na direktorang si Ana Abad Santos sa kanyang piyesa dahil nagamit niya nang maluwalhati ang disenyo ng produksyon.
Walang pakialam si Joy kung siya man ay mag-bold sa likod (simboliko lang ito pero sa totoo ay sa tabi) ng tanghalan. Kahit naka-bra lang siya at nagsusuot ng kasunod na costume para sa kasunod na eksena, walang kiyeme ang aktres gayundin si Miguel na kahit masilayan nang kapiraso ang kanyang briefs ay wala siyang pakundangan dahil siya ay isang alagad ng sining.
***
Sa panayam sa mga artista pagkatapos ng palabas, sinabi ni Faustmann na nahirapan siya sa pagbibihis sa loob ng malamlam na inilawang espasyo ng tanghalan.
“It should take us three minutes to do our costume change,” pahayag ni Miguel, ang isa sa mga naging artista ng kontrobersyal na direktor na si Jowee Morel sa pelikulang “Mona, Singapore Escort” ni Iza Calzado.
Pinuri ni Miguel si Jowee kahit na maiksi lang ang kanyang papel sa pelikula bilang parukyano ng Pinay Singapore escort na nagbebenta ng laman sa ibang bansa.
Nais muling kunin ni Morel si Faustmann sa kanyang mga susunod na obra.
Gagawin din ni Miguel ang pandaigdig na pelikulang “Baryo” na ididirek ni John Sayles, ang premyadong American independent o indie filmmaker.
Makakasama ni Faustmann sa pelikula sina Ronnie Lazaro at Joel Torre.